Pinag-aaralan na ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na ilikas ang mga residente sa paligid ng Bulkang Taal na naapektuhan ng ibinubuga nitong volcanic smog o vog.
Ilang araw nang nagbubuga ng vog ang Taal, na nagdudulot umano ng sakit sa mga residenteng nakatira sa mga bayan sa paligid nito. Apektado rin ang kabuhayan at pag-aaral sa mga lugar.
Ayon kay Dr. Amor Calayan, head ng Batangas PDRRMO, bagaman sa ilalim ng Alert Level 1 ay wala pang rekomendasyon ng paglikas, ikinokonsidera na nila ito dahil sa masamang epekto ng vog sa kalusugan ng mga bata, matatanda at may sakit.
"Kinukuha natin ang tala ng mga nagkasakit sa baga, na mga nagrereklamo at siguro naman, kapag nakuha natin ang total na 'yan ay makikipag-usap tayo sa [provincial health office] at saka sa [provincial social welfare and development office] at baka magkaroon tayo ng paglikas," ani Calayan.
"Puwede naman natin silang ilikas kung gusto nila pero ang nandoon ay ang ikinabubuhay nila, sa lawa... May nag-report na sa akin kanina, mayroong matanda, bata na pumupunta na sa kanilang kamag-anak," sabi naman ni Mayor Cinderella Reyes ng Agoncillo, Batangas.
Nag-ikot noong gabi ng Miyerkoles ang Batangas PDRRMO sa mga bayan ng San Nicolas, Agoncillo, Laurel at Talisay para personal na alamin ang epekto ng vog.
Namahagi rin ng 10,000 N-95 masks sa mga nasabing bayan.
Nire-review na rin ng Office of Civil Defense (OCD) sa Calabarzon ang mga contingency plan sakaling pumutok muli ang Bulkang Taal.
Ang mga maaapektuhang residente ay ililikas sa Cavite at Laguna.
"Bibisitahin din natin ang Laguna at Cavite kung papaano matutulungan ang Batangas. Katulad noong nakaraang pagputok, marami napunta sa Cavite [at] Laguna, sisiguraduhin natin na handa rin at mabibigyan ng augmentation kung kinakailangan," ani OCD-Calabarzon Officer in Charge Reyan Derrick Marquez.
Nagpulong naman nitong Huwebes ang mga hepe ng mga pulis at disaster officials sa mga bayan malapit sa bulkan.
Nakahanda na umano ang nasa 80 dagdag na pulis na ipapadala sa Batangas kung kakailanganin.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, bagaman bumaba sa 5,718 tonelada ang ibinugang sulfur dioxide ng Bulkang Taal, nanatili pa rin ang degassing activity nito at mga pagyanig.
Sa kabila ng ipinapakitang abnormal na aktibidad ng bukan, nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na huwag mag-panic.
— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.