MMDA
Anim ang sugatan matapos banggain ng isang SUV sa Ortigas Avenue sa Pasig, nitong umaga ng Miyerkoles.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, lumalabas na nakaidlip umano ang driver ng SUV habang binabagtas ang westbound lane ng Ortigas Avenue at nabangga ang 3 motorsiklo, 1 bisikleta at 1 sasakyan sa tapat ng The Medical City bandang alas-6 ng umaga.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo at nagbibisikleta at bumulagta sa kalsada.
Dalawa sa anim na mga nasugatan ay mga babae na nakaangkas sa motorsiklo.
Bagamat minor injuries lang, dinala pa rin ang mga sugatan sa pagamutan pero nakalabas na rin.
Inabot ng 1 oras bago na-clear ang pinangyarihan ng banggaan na naging dahilan ng saglit na pagbagal ng trapiko sa Ortigas avenue.
Dinala na sa Traffic Bureau ng Pasig ang SUV habang nakatakdang sampahan ng reklamo ang driver nito.
-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.