Unang kaso ng COVID-19, naitala sa Calayan, Cagayan matapos ang halos 1 taon

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2021 11:11 PM

Nakapagtala na ng unang positibong kaso ng COVID-19 ang bayan ng Calayan sa lalawigan ng Cagayan matapos ang halos isang taon na pagiging COVID-free.

Kinumpirma ito ni Mayor Joseph Llopis sa isang post sa Facebook page ng Calayan Municipal Information Office nitong Lunes. 

 

Ayon sa alkalde, anak ng isang opisyal ng bayan ang nagpositibo sa COVID-19 batay sa resulta ng kaniyang RT-PCR test. 

Dinala na sa isang pagamutan ang nasabing pasyente na nanatiling asymptomatic o walang sintomas ng sakit. 

Itinuturing naman sa suspected case ang ina niya matapos itong makasalamuha. Nakararanas din umano ng karamdaman ang ginang na nabakunahan kontra COVID-19.

Sa isinagawang contact tracing, napag-alaman na posibleng nahawa ang kauna-unahang COVID-19 patient ng Calayan sa isang grupo ng national government agency na bumisita noong Mayo. 

Hindi naman isinasantabi ng lokal na pamahalaan ang posibilidad ng local transmission, kaya nitong Martes ay nagbaba na ng kautusan si Llopis para sa dalawang linggo na containment measure mula June 7 hanggang June 21 upang maagapan ang pagkalat ng virus. 

Alinsunod sa Executive Order Number 11 series of 2021, inuutusang sumailalim sa 14-days home quarantine ang lahat ng mga posibleng nakasalamuha ng nagpositibo sa COVID-19.

Habang ang mga makararanas ng sintomas gaya ng lagnat, ubo, sipon at hirap sa paghinga ay pinapayuhang agad na makipag-ugnayan sa Municipal Health Office o kumontak sa 0963-634-1027. 

Sasailalim naman sa mahigpit na regulasyon ang paglabas at pagpasok sa bayan kung saan ang papayagan lamang ay mga emergency cases at kinakailangan na mayroon dalang resulta ng RT-PCR test ang mga darating o uuwi. 

Inatasan na ang mga awtoridad at opisyal ng barangay na tiyaking nasusunod ng mga residente ang mga minimum health standard gaya ng pagsusuot ng face mask at social distancing. 

Mahigpit din na ipinagbabawal ang pagtitipun-tipon ng maraming tao o mass gathering. 

Suspendido na rin muna ang pagsasagawa ng aktibidad ng mga national government agencies at ibang tanggapan ng gobyerno habang umiiral ang containment period. 

Ipinatupad na rin ng lokal na pamahalaan ang skeleton workforce at work from home scheme para sa ilang empleyado upang matiyak ang kanilang kaligtasan. 

- ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.