Screengrab ng CCTV ng pamamaril kay Police Senior Sgt. Michael Maun sa Capas, Tarlac, Hunyo 8, 2021.]
Patay ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group matapos pagbabarilin sa Capas, Tarlac nitong umaga ng Martes.
Sa pahayag, kinilala ni Central Luzon police Director Brig. Gen. Valeriano de Leon ang nasawi bilang si Staff Sgt. Michael Maun, na nakatalaga sa PNP Aviation Group sa Clark, Pampanga.
Sakay ng kotse si Maun sa Barangay Cristo Rey, Capas nang overtake-an siya ng isa pang sasakyan, base sa imbestigasyon.
Dalawang hindi pa nakikilalang gunman ang bumaba ng sasakyan at pinagbabaril si Maun, ayon sa pulisya at kuha ng CCTV sa insidente.
Sinugod si Maun sa Ospital ng Capas pero dineklara ring dead on arrival, ayon sa Central Luzon police.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at pagtugis sa mga bumaril kay Maun.
Nahanap ang abandonadong kotseng sinakyan ng mga gunman sa Barangay Arangonen, Capas.
— May ulat ni Elaine Fulgencio
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, krimen, pamamaril, police, PNP Aviation Group, shooting, pamamaril, CCTV, rehiyon, Capas, Tarlac