Pagbabakuna sa mga manggagawa, pinilahan pero maagang nag-cut-off

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2021 12:49 PM | Updated as of Jun 08 2021 01:17 PM

Mahabang pila ng mga magpapabakuna sa Robinsons Ermita sa Maynila nitong Hunyo 8, 2021, ang unang araw ng pagbabakuna sa A4 priority group o mga economic frontliner. Jekki Pascual, ABS-CBN News

MAYNILA — Matapos ang "ceremonial" vaccination para sa mga nasa A4 priority group, umarangkada ngayong Martes ang pagbabakuna sa mga economic frontliner o manggagawa sa mas marami pang lungsod sa Metro Manila.

Pero may mga vaccination site na maagang nag-cut-off ng mga babakunahan, gaya ng sa SM San Lazaro sa Maynila, kung saan maraming pumila ang nabigong umabot para maturukan ng COVID-19 vaccine.

Wala pang alas-7 ng umaga, nag-anunsiyo na ang mga tauhan ng vaccination site sa mall na cut-off na sa 750 doses at hindi na nagpapapasok sa loob.

Sa Robinsons Mall sa Ermita, kung saan marami ring pumila, nag-cut off na bandang alas-8:30 ng umaga.

Ayon kay Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, pasok na lahat ng A4 sa pagbabakuna ng lungsod simula Martes kaya umaasa ang lokal na pamahalaan na madadagdagan pa ang mga bakunang makakarating sa kanila.

Sa Mandaluyong, pinauwi naman ang mga nagbakasakaling pumila sa mega vaccination site sa Mandaluyong City Medical Center.

Nasa 600 lang kasi ang nakalaang babakunahan sa site sa maghapon.

Watch more in iWantTFC

Sa Pedro P. Cruz Elementary School sa parehong lungsod, nasa 500 hanggang 1,000 manggagawa ang target mabakunahan ngayong Martes.

Kasama sa mga naturukan sa paaralan ang mga nagtatrabaho sa Mandaluyong na nakatira sa ibang lungsod sa Metro Manila.

Inabisuhan naman ni Jeng Maranan, vaccine site coordinator, ang mga magpapabakuna na hintayin ang kanilang schedule dahil hindi na rin pinapayagan ang walk-in.

Sa Antipolo, inihinto muna ang pagbibigay ng mga first dose ng bakuna.

Sa social media post, ipinaliwanag ng lokal na pamahalaan na wala na kasing ibinigay na dagdag na bakuna ang national government at inuunang mapadalhan ang mga lungsod sa Metro Manila.

Maliit na bilang lang din kompara sa mga nakukuha ng Maynila at Quezon City ang inilalaang bakuna sa Antipolo.

Pero nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga taga-Antipolo na magparehistro pa rin para maipila na habang hinihintay ang susunod na batch ng mga bakuna.

Nasa 30 milyon manggagawa ang pasok sa A4 priority group.

Target ng pamahalaan na mabakunahan ang hanggang 70 milyon ng populasyon para makamit ang herd immunity.

Sa huling tala, 5.9 milyong doses ng COVID-19 vaccine na ang na-administer sa bansa.

-- Ulat nina Anjo Bagaoisan, Lyza Aquino, Jekki Pascual at Arra Perez, ABS-CBN News
 

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.