Mas mahigpit na travel restrictions kontra COVID-19 ipinatutupad sa Guimaras

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2021 01:30 PM

Nagtayo ng border checkpoint sa lahat ng bayan ng Guimaras bilang paghihigpit laban sa pagkalat ng COVID-19. Larawan mula sa Guimaras Police Provincial Office

Mas naghigpit sa travel restrictions ang lalawigan ng Guimaras para malabanan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa Executive Order No. 24 na nilagdaan ni Gov. Samuel Gumarin, nakasaad doon ang pagpapatupad ng mahigpit na travel restrictions tulad ng paglalagay ng border control points sa bawat bayan simula Hunyo 7. Wala pang petsa kung hanggang kailan ang pagiging epektibo ng EO.

Papayagan lamang din ang limitadong paglabas ng mga residente, at tanging essentials lamang ang pahihintulutan na bumiyahe.

Sarado rin ang lahat ng non-essential establishments, at mga essentials lamang ang pwedeng magbukas tulad ng botika, bangko, grocery stores, water refilling stations, fast food chains, agri/poultry supplies, at marami pang iba.

Kailangan kumuha muna ng travel pass mula sa lokal na pamahalaan para sa essential travel.

Papayagang bumiyahe ang mga barko Guimaras-Iloilo vice versa mula 6:00 a.m. hanggang 3:00 p.m. lamang. At ang pampublikong sasakyan naman sa lalawigan ay pinahihintulutang makabiyahe simula 5:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.

Ang lalawigan ng Guimaras ay nasa ilalim ng modified general community quarantine status. 

Patuloy ang pag-akyat ng kaso ng COVID-19 at nasa critical risk na ang health capacity ng probinsya, ayon sa lokal na pamahalaan.

Samantala, ayon sa Department of Health Region 6, ang lalawigan ng Guimaras ay nasa high risk status matapos maitala ang 500% na pag-akyat ng kaso ng COVID-19 sa lugar.

Sa kabuuang 611 na kaso ng COVID-19, 102 dito ay active cases.

- Ulat ni Rolen Escaniel 

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.