'Lider ng drug group,' SK chairman timbog sa Pasay buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2021 12:17 PM

Ebidensiyang nakuha sa buy-bust operation na ikinasa sa isang babaeng itinuturing pinuno ng drug group sa Pasay City, Hunyo 7, 2021. Retrato mula sa Pasay police

MAYNILA — Arestado ang isang babaeng sinasabing pinuno ng drug group sa buy-bust operation sa Pasay City, gabi ng Lunes.

Hinuli rin ng mga awtoridad ang isang chairman ng Sangguniang Kabataan (SK) na anila'y nagtago sa babae nang hinuli ito.

Ayon kay Pasay police chief Col. Cesar Paday-os, nakipagkita sa pulis na nagpanggap na buyer si alyas "Madam" bandang alas-9 ng gabi sa Pasay Public Cemetery.

Noong nakaraang taon pa binabantayan ng mga awtoridad si "Madam," na pinagkukuhanan umano ng supply ng droga sa lugar.

Pero nakatakas umano si "Madam" pagkatapos ng transaksiyon kaya hinabol ito ng mga pulis.

Natunton si "Madam" sa bahay ng 23 anyos na SK chairman.

Itinanggi pa umano ng lalaki noong una na nasa bahay niya ang babaeng suspek kaya inaresto rin siya.

"Wala pa namang involvement ‘yong SK chairman... Pero ‘yon nga, bakit niya tinatago noong tinanong?" ani Paday-os.

Nakuha kay "Madam" ang 6 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P53,000.

Tumanggi ang 2 suspek na magbigay ng pahayag.

Nahaharap si "Madam" sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang obstruction of justice naman ang isasampa laban sa SK chairman.

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.