Lalaki patay sa saksak sa Maynila; karera ng kalapati posibleng motibo

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2021 06:40 AM | Updated as of Jun 08 2021 07:34 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Dead on the spot ang 30 anyos na lalaking nang pagsasaksakin sa San Andres Bukid, Maynila Lunes.

Kuha sa CCTV ng Barangay 767 ang nangyaring komosyon sa Sagrada Familia Street corner Granate Street kung saan limang lalaki ang kitang nagtatakbuhan.

Hinahabol na pala ang biktimang si Kenneth Pagulayan na bumagsak sa kalsada at inabutan ng grupo.

Sinubukan pa niyang tumakas pero tinadyakan at sinuntok na siya ng mga lalaki.

Pinagtulungan ang biktima at ilang beses inundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad tumakbo ang apat na suspek na ayon sa Manila Police District ay notoryus sa kanilang lugar; ang isa sa kanila ay nasa drugs watchlist.

Pustahan sa karera ng kalapati ang nakikitang motibo sa pagpatay, ayon sa MPD homicide section.

Kukunin lang sana ng biktima ang napanalunan niyang P1,000 at dumayo pa sa lugar, pero pinagtulungan na siya ng grupo.

Tukoy na ang mga suspek na pinaghahanap na ng mga pulis.

Gayunman, humihingi sila ng kooperasyon sa komunidad at sa mga testigo para matunton ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.