MAYNILA—Inaprubahan na ng Food and Drug Administration ang pagtanggap ng Department of Health ng mga donasyong bakuna mula sa Sinopharm.
Sa naging pulong ng Inter-Agency Task Force nitong Lunes, iniulat ni Director-General Eric Domingo na maaari nang tumanggap ng donasyon ang Pilipinas ng bakunang Sinopharm galing China matapos itong mabigyan na ng emergency use authorization sa Pilipinas.
"Noong May 20, si (Health) Sec. Duque wrote a letter to FDA they are willing to accept donations for Sinopharm coming from China, and this has been granted an EUA ng the WHO, so ito ay tiningnan na rin ng ating mga experts at ang atin pong evaluation sa FDA and today we already granted an emergency use authorization to DOH to accept the donations of Sinopharm," ani Domingo.
Pagdating naman sa bakunang Novavax, wala pa rin itong application sa FDA, pero inaasahan nilang sa third quarter ng taon ay magsusumite na ito para sa kanilang EUA.
Ayon kay Domingo, nasa 17 brands ng bakuna ang inaprubahan na sa buong mundo, matapos mapasama na sa listahan ang isang galing Japan na MRNA vaccine din.
Samantala, iniulat naman ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr sa Pangulo na naabot na umano ng bansa ang 6-million mark sa mga nabakunahan na kontra COVID-19.
Ngayong buwan din aniya inaasahang nasa 11 million ang makukuhang bakuna ng gobyerno.
Bukod naman sa natanggap na ng bansa na 1 milyong doses ng Sinovac nitong weekend, may inaasahan pa aniyang karagdang 1 milyon doses ng Sinovac sa Hunyo 10 at posibleng dagdag pang 1 milyon sa Hunyo 17.
Sa Hunyo 9 naman may inaasahan ding higit 100,000 na Sputnik-V mula Russia, habang may 2.2 milyon doses naman na Pfizer vaccines sa June 10 at 11, 250,000 doses ng Moderna sa June 21 at karagdagang 2 milyon doses rin ng Astrazeneca sa ikatlong linggo ng buwan na ito.
Sa Hulyo naman, nasa 10 million doses ang inaaahasang darating din na mga bakuna na Sinovac, Moderna, Astraeneca, Sputnik V at mga galing COVAX facility na Pfizer at Astrazeneca.
"And then 'yon nga po 'yong magandang balita na in-open na po natin 'yong A4 and then later pagka dumating po 'yong COVAX natin na 4.2 million, puwede na po tayong mag-ungos nang kaunti po doon sa A5 this month," ani Galvez.
Samantala, pinag-aaralan na rin ng gobyerno ang posibleng pagbabakuna sa mga bata gamit ang 3 brands ng bakuna bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.
"So ito po 'yong mga balita na 'yong Moderna mayroon po silang ginagawang clinical trial for ages 12 to 17. And then kahapon po, ang Sinovac ay naglabas po ng magandang balita na China has already approved for emergency use of Sinovac from 3 years old to 17 years old. And then sa UK, inaprubahan na po na 'yong Pfizer ay magamit po sa 12 to 15 and I believe the US is also using Pfizer for 12 years old and above," dagdag ni Galvez.
Pagdating naman sa economic frontliners may pakiusap naman ang DOH na sana gawing prayoridad ng mga lokal na pamahalaan ang mga nasa edad 40 hanggang 59.
RELATED VIDEO
Food and Drug Administration, Eric Domingo, FDA, Sinopharm, pediatric vaccination, DOH, Department of Health, Francisco Duque