PatrolPH

Active COVID-19 cases sa Laguna, halos 2 buwan na umanong 'di bumababa sa 4k

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2021 03:20 PM

Halos 2 buwan nang hindi bumababa sa 4,000 ang bilang ng active COVID-19 cases sa Laguna, sabi ngayong Martes ng provincial health officer doon.

Ayon kay Dr. Rene Bagamasbad, naglalaro sa 200 hanggang 300 kada araw ang bilang ng mga bagong kumpirmadong kaso na naitatala sa probinsiya.

Sa higit 4,000 active cases, 80 porsiyento nito ay galing sa mga lungsod ng Biñan, Cabuyao, Calamba, San Pablo, San Pedro, at Santa Rosa, ayon kay Bagamasbad.

Pinakamarami umano ang Calmaba na may 1,700 kaso.

Tingin ng doktor, isa sa mga dahilan kung bakit mataas ang COVID-19 cases sa Calamba ay dahil sa pagluwag sa quarantine restrictions.

Marami rin aniyang hindi sumusunod sa health protocols gaya ng physical distancing sa mga pampublikong lugar tulad ng mga mall, palengke, at lugar ng trabaho.

Nais ni Bagamasbad na paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng minimum health standards at paghahanap sa mga positibo sa COVID-19.

"Active case finding ang inire-recommend namin sa mga bahay-bahay hanggang down sa bara-barangay," ani Bagamasbad.

Kasama ang Laguna sa "NCR Plus" na isinailalim sa enhanced community quarantine noong dulo ng Marso dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.

Kalauna'y niluwagan sa general community quarantine "with heightened restrictions" ang quarantine status sa NCR Plus, na kinabibilangan din ng Metro Manila, Bulacan, Cavite at Rizal.

Simula Marso 2020, nasa 40,000 na ang naitatalang COVID-19 cases sa Laguna.

Sa buong bansa, umabot na sa 1.2 milyon ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases, kung saan 58,854 ang active cases.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.