Mga economic frontliner nakatakdang bakunahan sa San Juan City

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2021 02:20 PM

MAYNILA - Nasa 3,000 economic frontliner o mga taong nasa kategorya ng A4 ang nakatakdang mabakunahan sa dalawang vaccination site sa lungsod ng San Juan ngayong Martes.
 
Ayon kay Mayor Francis Zamora, ngayong araw ang opisyal na simula ng kanilang pagbabakuna sa A4 category.

“Meron tayong 2,000 naka-schedule sa FilOil Flying V Center para sa A4 na taga San Juan na maaaring nagtatrabaho sa ilang lungsod. May 1,000 din ang nakatakdang mabakunahan sa Greenhills Theater Mall para sa mga taga ibang lungsod na nagtatrabaho naman sa San Juan,” paliwanag ni Zamora.

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Zamora na gagamitin nila sa pagbabakuna sa A4 ang 13,000 na doses ng lungsod. Nakalaan din aniya ito para sa iba pang naunang kategorya tulad ng medical frontliners, senior citizens at may comorbidities.

“Kung magbabakuna kami ng 3,000 a day sa susunod na mga araw, sa loob ng limang araw mauubos na ho yun kaya kailangang mag deliver muli ang DOH (Department of Health) ng karagdagang bakuna sa amin para hindi kami maantala, para tuloy-tuloy lang po,” sabi niya.

Tiniyak naman ng alkalde na ang mga residenteng nakatakdang magpabakuna ng second dose pero hindi nakasipot sa takdang schedule ay bibigyan nila ng prayoridad.

“Very small percentage lang hindi naman sa hindi bumabalik. Minsan nale-late sila. Kung magpunta sila sa susunod araw ipakita lang ang vaccine card nakasaad naman yung schedule ng second dose nlla at pinapaapsok naman namin sila,” dagdag nito.

Watch more on iWantTFC