12 timbog sa drag racing, hindi pagsusuot ng face mask sa Davao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2021 11:37 PM

Huli sa akto ng mga pulis ang 12 binata na umano'y sangkot sa drag racing ng mga motorsiklo sa Barangay Mabuhay sa bayan ng Bansalan, Davao del Sur Sabado ng gabi.

Nagpapatrolya ang mga pulis nang natiyempuhan nila ang mga grupo ng kalalakihan na nagkakarera.

Bukod sa paglabag sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code, ayon sa pulisya, lumabag din ang mga suspek sa minimum health protocols dahil wala silang suot na face mask.

Hindi rin umano nakapagprisinta ng lisensya at ng dokumento ng mga motorsiklo ang kalalakihan.

Ayon sa pulisya, matagal nang reklamo ng mga residente ang drag racing sa kanilang lugar dahil halos hindi sila makatulog dahil sa ingay ng motorsiklo.

- ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.