PatrolPH

PNP doctor patay nang makalanghap ng kemikal sa virus facility

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2020 07:54 PM

Watch more News on iWantTFC

Facebook ang ginagamit noon ni Shella Distor para kausapin ang kaniyang partner na si Police Capt. Casey Gutierrez.

Pero ngayon, hindi na makasasagot sa mga mensahe ni Distor si Gutierrez, na pumanaw noong Mayo 30 hindi dahil sa coronavirus disease kundi dahil sa pagkakalanghap ng nakalalasong kemikal.

Ikinuwento ni Distor sa ABS-CBN News na nakatanggap siya ng tawag na dinala sa ospital si Gutierrez matapos sumailalim sa decontamination protocol sa isang COVID-19 facility ng Philippine National Police (PNP) sa Pasig.

Sa ilang araw na pananatili sa ospital, naging pautal-utal umano ang pananalita ni Gutierrez.

Bago tuluyang pumanaw, nahirapang huminga at sumakit ang lalamunan ng pulis.

Sa naunang pahayag ng PNP, sinabi nitong aksidenteng na-spray-an ng concentrated decontamination solution na sodium hypochlorite si Gutierrez at iba pa.

Ayon sa public health expert na si Yul Dorotheo, labis na nakalalasong kemikal na na-spray sa pulis.

“Sumisikip po ang daluyan ng hangin... so you cannot breathe because the airway becomes very narrow,” ani Dorotheo. 

Una nang sinabi ng World Health Organization at Department of Health (DOH) na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng disinfection tents, misting chambers o sanitation booth sa mga tao dahil delikado ang mga ito.

Nagpaalala rin si Dorotheo na kung gagamit man ng bleach solution para mag-disinfect ng mga bagay, may tamang paraan ng paggawa nito.

“Mga 2 teaspoons, 10 ml (milliliter) po 'yan, per liter of water. When they wipe the surfaces, dapat airdry po iyan, do not wipe it with bleach solution and then wipe it with a dry cloth. That also doesn't work,” ani Dorotheo.

Sa ngayon, hiningi na ng PNP ang tulong ng DOH para magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Gutierrez.

Ang masakit para kay Distor, bukod sa hindi na makikita ng 3 nilang anak si Gutierrez, ay ang katotohanang ang pagkamatay ng pulis ay maaari naman sanang iwasan, -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.