PatrolPH

'Pagsulpot ng fake Facebook accounts posibleng may kaugnayan sa anti-terror bill'

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2020 06:21 PM | Updated as of Jun 09 2020 07:02 PM

Watch more on iWantTFC

Dumarami ang apektado ng mga pekeng Facebook account, na sa pangamba ng ilang aktibistang grupo ay may kinalaman sa anti-terrorism bill.

Naiulat noong Linggo ang pagsulpot ng mga peke at walang laman na Facebook account na nakapangalan sa mga estudyante, faculty member at alumni ng ilang pamantasan sa bansa.

Pero bukod sa mga estudyante, kasama rin sa mga nagawan ng pekeng account ang mga aktibista, mamamahayag, at maging mga ordinaryo at pribadong netizen.

“Parang identity theft. Nakakagulat. Ang dami nilang puwedeng gawin with my name on it, especially with what is happening now,” anang netizen na si Valeri Peramide-Fischer.

“May deliberate attempt to pretend to be journalists and it seems they might, the fear is, they might weaponize these face accounts against reporters like us who are just trying to do our jobs,” ani Mara Cepeda, reporter ng news website na Rappler.

Hinala naman ng mga aktibista ay maaaring may kinalaman sa anti-terrorism bill at recruitment ng militar.

“May kaugnayan itong recruitment ng AFP (Armed Forces of the Philippines) para lalo pang i-activate 'yong social media platforms to harass, to surveil at possibly for impending mass arrests lalo na kung mapaaprubahan ang anti-terrorism bill' ani Gabriela Secretary General Joms Salvador.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat magbigay ng ebidensya ang mga kritiko kung talagang may plano ang gobyerno laban sa kanila.

Watch more on iWantTFC

Pinaiimbestigahan naman ng Department of Justice (DOJ) ang lahat ng anggulo sa pagdami ng mga pekeng Facebook account.

Nasa 112 reklamo ng dummy account na ang natatanggap ng DOJ, sabi nitong umaga ng Lunes ni Undersecretary Markk Perete.

Titingnan din umano ng Department of National Defense ang isyu dahil maaaring may kinalaman ito sa pambansang seguridad.

Sa isang pahayag, sinabi ng Facebook na iniimbestigahan na nila ang insidente at aaksiyunan ang mga account na makikitang lumalabag sa kanilang mga alituntunin.

Hinimok din ng Facebook ang publiko na i-report ang mga account na hindi totoo.

Ipinayo naman ng information technology expert na si Abe Olandres na para hindi mapasok ang Facebook account, pumunta sa settings at piliin ang two-factor authentication.

“So that when somebody else is able to, for example, mag-hack or malaman ang password mo, ‘pag nag-log in sila, mano-notify ka,” ani Olandres.

Maganda rin daw na totoong pangalan ang gamitin sa Facebook para identification card lang ang kailangan at mabeberipika na ng Facebook kung sino ang totoong tao at made-delete ang peke.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboan, iniimbestigahan na nila ang nangyari lalo at maaaring magamit sa krimen ang mga pekeng account gamit ang pangalan ng ibang tao.-- Ulat nina Adrian Ayalin at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.