PatrolPH

Ilang jeepney operators gumastos para makapagpatupad ng health, safety measures sa sasakyan

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2020 02:43 PM | Updated as of Jun 09 2020 06:31 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Pumitas nitong umaga ng Lunes ng talbos ng kamote at kangkong si Marife Sicam sa dating terminal ng jeepney nila sa Pasay City. Ito raw ang una at maaaring tanging kakainin nilang mag-anak sa magdamag.

Ang asawa at 2 anak ni Sicam ay nagmamaneho ng jeep habang siya ang nagsisilbing dispatcher ng pamilya.

Pero nawalan ng kita ang mag-anak nitong nagdaang 3 buwan dahil sa pagbabawal sa mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng enhanced community quarantine, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

“Ngayon lang naranasan ko ‘yong ganito,” ani Sicam sa panayam ng ABS-CBN News.

Dalawang buwan na ring hindi nakababayad sa renta ang pamilya Sicam na P2,500 kada buwan ang singil.

Dati, nasa P1,500 ang naiuuwi nila kada araw kaya nanawagan sila sa gobyerno na payagan na ulit silang makapamasada.

“Walang budget. Hindi namin alam kung makasama kami sa jeep kasi wala pa talaga kaming budget. Hindi namin magawa ‘yong jeep,” ani Sicam.

Kung tutuusin, wala sa listahan ang mga tradisyunal o old model na jeepney sa prayoridad ng gobyerno na patakbuhin ngayong nakasailalim na sa mas maluwag na general community quarantine ang ilang bahagi ng bansa, kasama ang Metro Manila.

Sa pahayag ng Department of Transportation, bibigyang prayoridad ang mga sasakyang kayang magpatupad ng social distancing at non-contact transactions sa pagbabayad ng pasahe.

Papayagan lang pumasada ang mga jeep kung maayos at ligtas ang takbo, at kung makasusunod ang mga ito sa health and safety protocol.

May ilang grupo ng mga jeepney driver at operator na ang gumastos para makapagpatupad ng health and safety protocol sa kanilang mga sasakyan. Kasama rito ang grupong kinabibilangan ng pamilya ni Sicam.

Ayon kay Mar Valbuena, national president ng grupong Manibela, nag-ambagan silang mga miyembro ng tig-P50 habang ang iba ay nangutang pa.

“Para masunod lang ang safety measures... ‘yon talaga mabigat para sa amin, na ipinapakita natin na handa tayo magserbisyo para makabiyahe na,” ani Valbuna.

Sa pintura para sa social distancing markings, aabot na sa P500 ang ginastos ng mga jeepney driver at operator. Mayroon ding forehead thermometer na aabot sa P3,400, alcohol supply na P500, at footbath na P850.

Pagpasok ng jeepney, ang mga kahoy, tubo at plastic na nagsisilbing barrier sa mga pasahero ay nagkakahalaga ng P2,500.

Nakabalot din sa plastik ang mangongolekta ng bayad ng pasahero bago sumakay sa jeep.

Gusto umanong iparating ng mga jeepney driver at operator sa gobyerno na gagawin nila ang lahat para kumita ulit. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.