PatrolPH

DOH ipinahihinto ang misting matapos umanong malason ang PNP doctor

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2020 10:59 PM

DOH ipinahihinto ang misting matapos umanong malason ang PNP doctor 1
Aksidenteng na-spray-an ng concentrated decontamination solution na sodium hypochlorite ang doktor na si Police Capt. Casey Gutierrez. 

MAYNILA — Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) nitong Lunes sa publiko na iwasan na ang misting bilang paraan ng disinfection laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Ani DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire, batay sa mga scientific na pag-aaral ay lumalabas na wala talagang sapat na ebidensya na magpapatunay na nakakatulong ang misting para mapuksa ang pagkalat ng virus.

Reaksiyon ito sa pagkamatay ni Police Capt. Casey Gutierrez, isa ring doktor, matapos umanong malanghap ang nakalalasong disinfectant na ini-spray bilang bahagi ng decontamination protocol sa mga pulis na nagbabantay sa PhilSports Arena, isa sa mga COVID-19 treatment facility sa Pasig City.

Sa naunang pahayag ng Philippine National Police (PNP), sinabi nitong aksidenteng na-spray-an ng concentrated decontamination solution na sodium hypochlorite si Gutierrez, 31, at iba pa.

Ayon sa public health expert na si Dr. Yul Dorotheo, labis na nakalalasong kemikal na na-spray sa pulis.

“Sumisikip po ang daluyan ng hangin... so you cannot breathe because the airway becomes very narrow,” ani Dorotheo. 

Kalaunan ay namatay si Gutierrez noong Mayo 30.

Ikinalulungkot naman ng DOH ang sinapit ni Gutierrez.

Humingi na rin ang PNP ng tulong sa DOH para magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Gutierrez.
—Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.