Pulis huli sa drug-bust sa Cebu City

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2019 09:38 AM

Narekober mula sa pulis ang nasa 15-gramo ng hinihinalang shabu. Kinumpiska na rin ng awtoridad ang service firearm nito. Larawan mula sa Cebu City Police Office

CEBU CITY - Isang police corporal ang nahuli sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Basak Pardo dito sa siyudad, Biyernes ng gabi.

Mismong mga operatiba ng Cebu City Police Station 7 ang nanguna sa operasyon. Nakumpiska nila ang 15 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P120,000 at P27,000 cash.

Nakumpiska rin ng awtoridad ang service firearm ng suspek na pulis, kasama ang magazine at mga bala nito.

Base sa record ng Cebu City Police Office (CCPO), kabilang sa drug watchlist ang pulis na taga-Barangay Sawang Calero.

Pansamantalang nakakulong ang pulis sa CCPO detention cell.

Samantala, apat na umano’y mga drug suspects ang naaresto naman sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Barangay Pusok at Barangay Buaya sa Lapu-Lapu City.

Kinumpirma ng Lapu-Lapu City Police Office na isa sa mga nahuli ay dating miyembro ng Philippine Air Force.

Narekober mula sa dating sundalo ang 3 grams ng hinihinalang shabu. Kabilang din siya sa drug watchlist ng Pusok police.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.