Lalaki patay nang saksakin sa leeg habang tulog sa tricycle sa Mandaue City

Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2019 10:36 AM

Natutulog sa tricycle na ito ang biktima nang saksakin sa leeg ng suspek. Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

Patay ang isang lalaki matapos na saksakin sa leeg habang natutulog sa loob ng isang tricycle sa Barangay Cabangcalan sa Mandaue City, Biyernes ng gabi.

Sumuko naman sa awtoridad ang suspek sa pagpatay sa biktimang si Dale Abayon, Sabado ng umaga. Siya rin mismo ang nag-report sa pulisya ng krimen.

Sinabi umano ng suspek sa pulisya na napatay niya sa galit si Abayon. Ninakaw umano ni Abayon ang kaniyang mountain bike noong Miyerkoles ng nakaraang linggo. Nalaman niyang si Abayon ang nagnakaw base sa kuha ng mga CCTV sa lugar.

Sinaksak ng suspek si Abayon sa leeg gamit ang kitchen knife habang natutulog ang biktima. Naiwan pang nakatarak ang kutsilyo sa leeg ng biktima nang madatnan ng mga pulis.

Handa naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso labang sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.