2 suspek sa pagpatay sa lalaking isinilid sa storage box, tiklo

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2019 01:13 PM

Nahuli na ng awtoridad ang dalawa sa tatlong suspek sa pagpatay sa 24 anyos na graduating student na natagpuang nakasilid sa plastic storage box sa Biñan, Laguna.

Sa panayam ng DZMM Radyo Patrol, kinilala ni Biñan police chief Police Col. Danilo Mendoza ang naarestong mga suspek na sina Najir Macaorao at Abdul Canapio. Pinaghahanap naman ang isa pa nilang kasamahan.

Martes ng umaga nang matagpuan ang isang plastic storage box na naglalaman ng bangkay ni Carl Laurence Demerey. Iniwan ang naturang box sa gilid ng kalsada sa Barangay Canlalay.

Ayon naman kay Laguna Provincial Police Director Police Col. Eleazar Matta, natimbog ang mga suspek sa manhunt operation matapos na makita sila sa CCTV sa lugar.

Katulong sa operasyon ang mga opisyal ng barangay kung saan nakita ang bangkay ng biktima.
 
Bagama't may motibo nang tinitingnan ang pulisya, tumanggi muna silang idetalye ito dahil may follow-up operation pa laban sa isa pang suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.