PatrolPH

1 patay, 1 sugatan sa hostage-taking sa Cebu City

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2019 09:13 AM | Updated as of Jun 08 2019 09:24 AM

1 patay, 1 sugatan sa hostage-taking sa Cebu City 1
Napatay ng mga rumespondeng pulis ang lalaking nag-amok at nang-hostage umano ng dalawang lalaki sa Cebu City. Larawan mula sa Pardo Police Station

CEBU CITY - Napatay sa loob ng kaniyang bahay ang suspek sa naganap na hostage-taking sa Barangay Bulacao, Biyernes ng gabi.

Nabaril ng mga rumespondeng awtoridad si Benjie Dela Rosa matapos na tumangging sumuko sa kanila.

Sa spot report ng Pardo Police Station, ginawang hostage umano ni Dela Rosa ang pinsan na si Steve Dela Rosa at kaibigan na si Ryan Gardavan sa loob ng kaniyang bahay.

Nabaril pa umano ni Dela Rosa sa binti si Gardavan na ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.

Ayon sa pulisya, dating nakulong sa kasong murder at attempted murder si Dela Rosa. Taong 2014 nang ma-dismiss ang kaniyang mga kaso.

Inamin naman ng ama ng suspek na gumagamit ng ilegal na droga ang anak. Dagdag pa niya madalas mag-amok ang anak sa kanilang bahay.

Samantala, patay naman ang mekaniko na si Alexander Sungahib sa pamamaril sa Mandaue City.

Sa imbestigasyon ng Opao Police Station, bumili lang ng sigarilyo ang biktima nang barilin ng dalawang lalaking magka-angkas sa isang motorsiklo..

Nangyari ang pamamaril ilang metro lamang ang layo mula sa estasyon ng pulis pero hindi na naabutan ng awtoridad ang mga salarin na agad tumakas matapos ang insidente.

Patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.