SAPUL SA CCTV: Baril ng sekyu, tinangay

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 06:04 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

MAYNILA - Arestado ang isang lalaki matapos nakawin ang bag ng isang sekyu sa Malate, Maynila.

Nakuhanan ng CCTV ang suspek na kinilalang si Allan Bautista na dati na ring nakulong dahil sa pagnanakaw.

Bumibili lang sa tindahan si Percival Otic Jr. noong Hunyo 6 nang tangayin ng suspek ang kaniyang bag. May laman itong service firearm, passport, passbook at mga I.D.

Kilala ng biktima ang suspek dahil madalas daw ito sa lugar para magsanla at magbenta ng mga cellphone.

Sa tulong ng CCTV, natunton ng mga pulis ang suspek na nakatambay sa Taal St. corner San Andres sa Malate.

Inamin ng suspek na ninakaw niya ang bag. 

Ipinasangla naman niya ang baril ng P2,000 sa isang kaibigan. Ginamit niya raw ito para pambili ng uniporme ng kaniyang kapatid.

Hinuli rin ng mga pulis ang babaeng nagsangla ng baril.

Kasalukuyang nakakulong ang 2 sa Manila Police District (MPD) Station 9 at mahaharap sa kasong pagnanakaw. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.