Presidente ng ambulant vendors association, pinagbabaril

Carine Asutilla Lapid, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 09:36 AM

Tadtad ng tama ng bala ang biktimang si Maodin Lucman matapos pagbabarilin ng dalawang gunman na sakay ng dalawang motorsiklo. 

LAPU-LAPU CITY – Patay ang presidente ng Lapu-Lapu City Muslim Ambulant Vendors Association matapos na pagbabarilin ng 2 hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Poblacion, Huwebes.

Nakunan pa ng CCTV ng Lapu-Lapu City Nerve Command Center ang paghabol ng mga suspek na sakay ng 2 motorsiklo sa biktima na si Maodin Lucman.

Nagawang makatakbo ng biktima sa isang tindahan pero naabutan siya at doon na siya pinagbabaril ng mga suspek.

Agad tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.

Naganap ang pamamaril ilang oras bago dumating sa Lapu-Lapu City si Presidente Rodrigo Duterte para sa inagurasyon ng Mactan-Cebu International Airport Terminal 2.

Ayon sa Lapu-Lapu City Homicide Section, tadtad ng bala ang biktima sa buong katawan at posibleng may kinalaman sa negosyo ang motibo ng pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.