Pagbalangkas ng draft charter tungo sa pederalismo, 'patapos' na: Con-Com

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 10:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilahad nitong Biyernes ng binuong consultative committee (Con-Com) ng Malacañang na nakahanda na ang mga panukalang pagbabago sa Saligang Batas tungo sa pederalismo.

Ang ilan sa mga amyendang inirekomenda ng Con-Com ay ang paraan ng pagboto para sa pangulo, bise presidente at mga senador.

"We are not going to elect the president and vice president separately, we are to elect them as a team," ani Con-Com commissioner Edmund Tayao.

Ang mga senador ay inirekomendang mahalal mula sa bawat pederal na rehiyon ng bansa.

Ang mga kongresista ay mananatiling iboboto mula sa mga distrito.

Ipinagbawal din ng charter review body ang pagtakbo ng asawa, anak, at mga kaanak hanggang second degree para pumalit sa pulitikong matatapos ang termino.

Hindi umano magagarantiya ng mga panukala sa pederalismo na tuluyan nang masusupil ang korapsyon sa pamahalaan.

"You can have the best theoretical framework of government by adapting the federal system...but it all depends on the people," ani Con-Com commissioner Aquilino "Nene" Pimentel.

"You can construct all systems you want but the last fundamental thing is being transparent," dagdag ni Con-Com commissioner Arthur Aguilar.

Inirekomenda rin ng komite na payagan ang mga dayuhan na magtayo ng mga negosyo sa Pilipinas ngunit hindi ang pag-aari ng lupa.

Hindi naman pinayagan ang Bangsamoro sa pagtatayo ng sarili nitong gobyerno.

Inaasahang mailalatag ang kabuuan ng panukalang pagbabago sa Konstitusyon sa darating na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 23.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.