Ika-18 kaarawan ni Kian delos Santos, ginunita ng pamilya

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 10:21 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Sampung buwan nang maganap ang kotrobersiyal na pagkamatay ni Kian delos Santos, muling inalala ng pamilya ang binata sa kaniyang ika-18 na kaarawan.

"Ang huli niyang birthday wish [ay] 'yong magkaroon ng bisikleta kaya bago siya napatay, 'yon ang hinihingi niya sa mama niya. Medyo malayo kasi 'yong school [niya], 'yon sana [ang] gagamitin niyang transportation," ani Randy delos Santos, tiyuhin ni Kian.

Hiling naman ng pamilya, wala na sanang sumunod na masawi nang katulad sa nangyari kay Kian.

"Sana wala nang pangalawang Kian na mangyari...sana 'yong sinasabi nila (awtoridad) na nanlaban [ay] totoong nanlaban. Kung talagang sinsero sila, sinusuportahan naman natin 'yung kanilang gawain," dagdag ni Delos Santos.

Sinisigurado naman umano ng pulisya na sumusunod sila sa batas sa bawat operasyon kontra droga.

"After Kian, I believe we have recovered from that controversy. We will continue to adhere to the rule of law and protect human rights. Kahit kami ayaw namin may nasasaktan o nasusugatan," ani Chief Supt. Guillermo Eleazar ng National Capital Region Police Office.

Matapos ang pagkamatay ni Kian noong Agosto 2017, bumaba ng hanggang 66% kada buwan ang mga napatay sa drug operations hangang Nobyembre ng 2017, base sa datos na nakalap ng ABS-CBN Investigative and Research Group.

Nananatiling namang pangalawa ang Pilipinas sa mga hindi payapang bansa sa Asya Pasipiko batay sa Global Peace Index report na inilabas ng Institute for Economics and Peace (IEP). 

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.