Batang dinukot sa Makati, natagpuan sa Zambales

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 08:59 AM

Todo-yakap at panay ang halik ni Micah Obasan sa 1-taong gulang niyang anak na si Tracy matapos itong maibalik sa kaniya apat na araw mula nang madukot sa Makati City.

Sa kalye natutulog ang mag-anak mula nang masunugan sa Pasay City noong isang taon. Noong Linggo, bandang alas-6 ng umaga, nadiskubre nilang wala na sa kaniyang stroller si Tracy.

"Di po ako mapakali. Di ko alam kung saan ako pupunta," kuwento ni Obasan.

Sa kuha ng CCTV noong Linggo, may hindi kilalang babaeng naglakad malapit sa lugar kung saan nawala si Tracy. Kita rito na may bitbit siyang bata sa parehong oras na nawala ang bata.

Kinukumpirma pa ng pulisya kung si Tracy ang bata sa video.

Sa tulong ng social media, nakilala si Tracy ng mga residente sa San Antonio, Zambales.

"May nakakita, sabi ito ba 'yung hinahanap na bata? So from Zambales, 'yung mga pulis kinonfirm kung siya nga. 'Yung mag-asawa pumunta rin sa barangay at kinonfirm nila, 'yun nga ang anak nila," ani Senior Inspector Editha Cantano, pinuno ng Women and Children's Protection Desk ng pulisya ng Makati City.

Blangko pa rin ang pulisya kung bakit at paano nakarating sa Zambales ang bata at kung sino ang nagdala sa kaniya dito.

Nabunutan man ng tinik ang mga magulang ni Tracy nang malamang nasa mabuting kalagayan ang kanilang bunsong anak, hindi naman sila tuluyang nawalan ng pag-asang kanila itong mahahanap.

“Masaya sa pakiramdam. parang himala kasi po marami po kaming nababalitaan na mga bata nawawala...Alam po namin na feeling namin na may pag-asa kasi dasal po kami nang dasal, kapit lang,” ani Obasan.