Balak ipuslit na kargamento sa Cebu, milyon-milyon ang halaga

Junrey Nadela, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 10:47 PM

Siniyasat ni Customs Commissioner Isidro Lapeña ang laman ng 12 containers na nasa alert status sa Cebu port nitong Hunyo 7, 2018.

CEBU CITY - Ipinakita ng Bureau of Customs sa Cebu port ang milyon-milyong halaga ng mga kargamentong laman ng 12 containers na ilegal na nakapasok sa bansa.

Pinangunahan ni Customs Commissioner Isidro Lapeña, Huwebes, ang pagbubukas ng containers na nasa alert order ni Cebu Customs Collector Elvira Cruz.

Unang binuksan ang isang van na galing sa Estados Unidos. Laman ng container ang iba't-ibang mamahaling motorsiklo.

Ayon kay Lapeña, ideneklarang mga gamit sa bahay ang kargamento ng container na tinatayang nagkakahalaga sa P2 milyon.

Sa isang container naman tumambad ang isang gamit na excavator na nagkakahalaga ng P5 milyon.

Ang isang container naman ay idineklarang mga nagamit na mga sapatos ang laman pero may kasabay itong mga prutas nang buksan.

Nagbabala si Lapeña sa mga gusto pang mag-smuggle ng mga gamit na dadaan sa Cebu port na hindi sila makakalusot dahil istrikto nilang iinspeksyunin ang mga darating na container.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.