2 umano’y narco-politician patay sa raid sa Sarangani Province

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 08:26 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

KIAMBA, Sarangani - Sabay na sinalakay ng mga awtoridad ang mga bahay ng 2 hinihinalang narco-politicians sa barangay Poblacion sa bayang ito nitong Biyernes ng madaling araw.

Isa sa mga target ng raid si Kiamba Municipal Councilor Ronnie Mamaclay na kasama umano sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ayon sa mga pulis, pinaputukan umano ni Mamaclay ang operating team kaya napilitan umano silang barilin din ang suspek. 

Nagtamo ng tama ng bala sa katawan ang biktima kaya agad itong isinugod sa Tiburcio Aquino Memorial Hospital pero binawian din ng buhay.

Sinalakay din ang bahay ni Barangay Poblacion Kagawad Jojo Orbia. Ayon sa mga pulis, pinaputukan din umano ng kagawad ang raiding team kaya nabaril si Orbia. 

Isinugod din sa ospital ang kagawad pero namatay din. 

Mariing itinatanggi ng mga pamilya na nanlaban ang target sa raid.

Samantala, ni-raid din ang bahay ni barangay captain Isidrito Canete sa Glan Padidu, sa bayan ng Glan, pero wala ang target sa kanilang bahay. Si Cañete ay nasa listahan din umano ng mga narcopolitician.