2 patay, 6 sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 07:52 AM

DAVAO CITY - Patay ang 2 lalaki habang sugatan naman ang 5 iba pa sa magkahiwalay na aksidente sa Davao City.

Unang nangyari ang aksidente sa Diversion Road, Buhangin kung saan nagbanggaan ang 2 motorsiklo Huwebes ng gabi.

Parehong nasawi ang drayber ng 2 motorsiklo na sina Alex Mascariñas, 29 anyos, at Adrian Datuin, 28 anyos.

Nasa kritikal naman na sitwasyon ang angkas ni Datuin na si Apdullah Magracia, 21 anyos.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, matulin umano ang takbo ni Mascariñas na napag-alamang nakainom rin.

Bumangga ang motorsiklo na minamaneho ni Mascariñas sa motorsiklo na minamaneho ni Datuin nang mag-U-turn ito sa kabilang lane.

Sa lakas ng pagkabangga, wasak ang 2 motorsiklo.

Sa Cabantian Road naman, nagsalpukan ang isang Elf truck at 10-wheeler truck Biyernes ng madaling-araw.

Naipit naman ang drayber ng Elf truck na si Fernando Sulang.

Sugatan din ang 4 niyang sakay na sina Edjohn Liag, Junmark Liag, Arnel Miguel at Remar Fernandez.

Base sa paunang ulat, nakainom ang mga biktima at pauwi na sa Barangay Indangan.

Ayon kay Heart Love Dialang, drayber ng 10-wheeler truck, napahinto siya nang makita niyang babangga ang Elf truck sa kaniya.

"Kung matulin 'yung takbo ko, siguro patay silang lahat," aniya.

Patuloy na ginagamot sa ospital ang mga biktima. - ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.