Tensiyon sa demolisyon: Pulis sugatan, gate muntik masunog

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 12:57 PM

MAYNILA - Umabot sa batuhan ng mga boteng nagliliyab at pasô ang pagpapaalis ng National Housing Authority (NHA) sa mga ilegal na naninirahan sa clubhouse ng Bliss Compound sa Quezon City, Huwebes ng umaga. 

May kalahating oras din ang itinagal ng tensiyon sa pagitan ng mga residente at demolition team, at sa kainitan ay muntik pang masunog ang gate ng clubhouse dahil sa mga ibinatong boteng may apoy.

Isang pulis din ang tinamaan sa kanang binti ng inihagis na gasera at ngayon ay nasa ospital na. Pero bago pa kumalat at lumaki ang apoy naapula din ito ng mga pumasok na demolition team.

Una nang nakiusap ang may 30 pamilyang sa clubhouse na huwag silang paalisin, lalo't walang pabahay na nakalaan para sa kanila. Hindi pa nila alam kung saan titira ngayong tuloy ang demolisyon. 

Ayon sa NHA, wala sa mga pinaalis na pamilya ang mabibigyan ng pabahay dahil hindi maituturing danger zone ang clubhouse, na pag-aari ng estado. 

Paliwanag ng NHA matagal na nilang pinaaalis ang mga naninirahan dahil hindi magamit ng homeowners ang pasilidad ng clubhouse. 

Minabuti aniya ng ahensiyang kausapin ang mga naninirahan doon. tatlong taon na ang nakararaan pero hanggang sa palugit kanina, hindi pa rin sila umalis.

Samantala, dahil nasugatan ang isang pulis sa demolisyon paiimbestigahan pa ng mga awtoridad ang nangyaring pamamato ng gasera.