Shabu itinago sa kahon ng dried mangoes

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 08:20 AM | Updated as of Jun 08 2017 11:34 AM

MANILA - Nadiskubre ng mga awtoridad ang nasa 3 kilo ng shabu na itinago sa ilalim ng dried mangoes sa loob ng isang kahon sa bahay na sinalakay nila sa Barangay Moonwalk sa Parañaque, Miyerkoles ng gabi.

Sinugod ng police Drug Enforcement Group (PDEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang bahay dahil sa impormasyong may droga rito.

Sa tulong ng K-9 unit, nahanap ng mga operatiba ang styrofoam box na naglalaman nang pinatuyong mangga at 3 malalaking aluminum packs ng shabu.

Hinala ng pulisya, ginamit ang bahay bilang bodega ng grupong nasa likod ng 50 kilo ng shabu na nakuha mula sa isang Taiwanese national sa Parañaque noong nakaraang linggo.

Nakatago ang naturang P250 milyon halaga ng droga sa ilalim ng mga kahon na may tuyong isda.

"Practically it was the same method of concealment except they used dried mangoes. It would appear that this house is being used by the syndicate as their warehouse considering the smell of dried fish," ani PDEG chief, Senior Supt. Graciano Mijares.

Walang nadatnang suspek ang mga awtoridad sa bahay. Inaalam pa nila kung sino ang mga kasama sa sindikatong hinihinalang may-ari nito. -- May mga ulat nina Anjo Bagaoisan at Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.