Pagbibigay ng opinyon tungkol sa Qatar, ikinabahala; pag-alis sa deployment ban, ikinatuwa

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 07:40 PM | Updated as of Jun 08 2017 11:26 PM

Nababahala ang mga Pinoy sa United Arab Emirates (UAE) sa balitang makukulong at magmumulta ang sinumang magpahayag ng simpatiya sa Qatar. 

Sa kabilang banda, hinihikayat naman ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ang mga Pinoy na ipagpatuloy pa rin ang pag-apply sa Qatar dahil pansamantala lamang ang deployment suspension order para sa mga new hires sa nasabing bansa.

Hindi mapakali ang ilang Pinoy sa UAE dahil sa lumabas na balitang makukulong at magmumulta ang sinumang magpapahayag ng simpatiya para sa Qatar sa social media, sa pananalita, o sa pamamaraang bisuwal o pasulat. 

"Disagree ako doon kasi para sa akin, lahat may karapatan na malaman kung ano man ang nangyayari sa paligid mo," ayon kay alyas Althea, isang OFW sa UAE.

Maaaring makulong nang tatlo hanggang 15 taon, at pagbayarin ng multa na hindi bababa sa 500,000 dirhams o humigit kumulang P6.7 milyon ang sinumang mahuling lumabag sa utos na ito.

May ibang Pinoy din naman na nagpahayag ng suporta sa balitang ito ng UAE.

"Siyempre po ay kailangan nating sumunod kung ano man ang kanilang ipinag-uutos. Kung ano man ang kanilang ipinatutupad ay kailangan kaming makisang-ayon, sapagkat pribilehiyo na sa amin ang kami ay makapagtrabaho sa Abu Dhabi. Kailangan po naming rumespeto sa kanila bilang sila ang namumuno dito at mas higit na nakaaaalam kung ano po ang sa palagay nilang tama para sa seguridad at kaayusan ng mga citizens o mamamayan na naninirahan dito," ayon naman kay Lowell Dalisay, isa pang Pinoy sa UAE. 

Pag-apply sa Qatar, hinihikayat pa rin ng POEA

Natuwa man ang ilang Pinoy dahil tinanggal na ang suspension order sa pag-deploy sa mga dati nang nagta-trabaho sa Qatar at sa mga may overseas employment certificate (OEC), dismayado naman ang mga bagong hire dahil hindi pa rin sila pinapayagang makaalis. 

Palagay naman ng POEA ay hindi magtatagal ang suspension order na ito sa mga bagong hire.

Masayang balita para sa mga Pinoy sa Qatar ang pagbawi ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa deployment suspension order sa mga overseas Filipino workers, dahil makababalik na sa Qatar ang mga dati nang may kontrata pero nagbakasyon sa Pilipinas, at makalilipad na rin papuntang Qatar ang mga direct hires at nabigyan na ng OEC.

Malas naman ang tingin ng mga Pinoy na bagong hire sana sa Qatar sa naganap na krisis doon.

Ngunit, ipinapayo ng POEA sa mga nag-a-apply ng trabaho sa Qatar na ituloy pa rin ang proseso ng aplikasyon dahil sa oras na maalis ang suspension ng deployment ng new hires, ibibigay agad ng POEA ang OEC ng mga aplikante. 

Halos 80 OEC applications ang on-hold ngayon, ayon sa POEA. 

Sa huling monitoring naman ng Department of Labor and Employment, kalmado at business-as-usual pa rin ang sitwasyon sa Qatar, pero kailangan lang masigurong magtutuloy-tuloy ang normal na sitwasyon bago irekomenda na payagan na ring makalipad papuntang Qatar ang mga new hire. 

-- Ulat nina Maxxy Santiago at Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.