Katahimikan sa Calabarzon, tiniyak ng Muslim leaders sa rehiyon

Noel Alamar, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 04:28 PM

Tiniyak ng Muslim leaders at Imams na nakabase sa CALABARZON (Cavite-Laguna- Batangas- Rizal- Quezon) ang kanilang pakikiisa sa Philippine National Police sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa rehiyon.

Ito ay matapos pulungin ni Police Regional Office (PRO) CALABARZON Regional Director Chief Supt. Mao Aplasca ang mga pinuno para sa isang konsultasyon upang makabuo ng programa para sa tuloy-tuloy na ugnayan.

Halos 200,000 ang mga Muslim na naninirahan sa rehiyon sa kasalukuyan, at karamihan sa mga ito ay mga Maranaw.

Nais ni Aplasca na matiyak ang suporta ng kanilang komunidad para sa programa ng PRO-CALABARZON na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa rehiyon.

Ani Aplasca, inaasahan ang tuloy-tuloy na pagbuhos ng negosyo sa rehiyon, kaya't kailangan ng suporta ng iba't ibang sektor, kabilang na ang kanilang komunidad, para maihanda ang rehiyon sa mga papasok na bagong mamumuhunan o kaya ay maninirahan dito.

Hinimok ni Aplasca ang mga pinunong ito na bantayan ang kanilang komunidad para mapigilan ang mga may masamang tangkang panggugulo o paghahasik ng karahasan sa kanilang mga lugar.

Tiniyak naman ni Sultan Faizal Benaming Bansao ng The Royal Houses of Sultanate of Luzon na kaisa sila sa layunin ng PNP para matamo ang tuloy-tuloy na kaayusan at katahimikan sa CALABARZON kasabay ng pagkondena sa tinagurian niyang mga "squealers of peace," tulad ng mga nanggugulo sa Marawi City.

Nasa ikalawang linggo na ang bakbakan sa pagitan ng mga puwersa ng gobyerno at mga terorista mula sa Maute at Abu Sayyaf group sa siyudad. Higit 200 na ang namamatay habang libo-libo naman ang nagsilikas dahil sa karahasan.