Job seekers sa fair, binigyan ng tips

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 09:41 PM

Dinayo ng mga aplikante ang isang job fair sa Makati. Mahigit 50 kumpanya ang nag-alok ng halos 5,000 trabahong nakabase rin dito sa bansa. Karamihan sa mga inalok na trabaho, galing sa mga industriya ng Information Technology (IT), food and beverage, sales and retail, hotel and restaurant. 

Isa si Joseph sa mga nagbakasakali sa job fair. Bata pa lang siya, pangarap na niyang magtrabaho abroad. Pero dahil sa mga napapanood niyang pangyayari sa ibang bansa, mas gusto na raw niyang dito na muna sa Pilipinas magtrabaho. 

Si Neil naman na graduate ng kursong IT, nag-apply sa isang senior high school academy para maging teacher. Wala raw siyang balak mag-abroad. Sa halip, gusto niyang magtayo ng sariling IT company sa probinsiya nila balang araw. 

In demand na trabaho sa food and beverage industry ang server, supervisor, at service crew. Sa retail naman, bukas ang oportunidad na maging sales promoter, sales associate, merchandisers, at brand ambassadors. Patunay lang daw ito na maraming trabaho sa ating bansa. 

Payo naman ng isang human resource specialist sa job-seekers, huwag lang masyadong pihikan sa papasuking trabaho at huwag ding maging mareklamo kapag bago pa lang nagtatrabaho. 

Dagdag pa niya, kapag nagsisimula pa lang, natural lang na mababa pa ang sahod. Kaya dapat kunin ang pagkakataong magkaroon ng work experience na maaaring makatulong sa hinaharap kapag gusto nang mag-apply sa mas maganda pang oportunidad o trabaho.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.