Informal settlers, pumalag sa demolisyon, nambato ng gasera

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 07:25 PM | Updated as of Jun 08 2017 11:29 PM

Nauwi sa girian ang demolisyon sa bahay ng 33 pamilyang ilegal na naninirahan sa clubhouse ng Bliss Compound sa Quezon City.

Ayaw kasing pumayag ng informal settlers na basta lang umalis sa kanilang mga barong-barong. Sumiklab din ang maliit na sunog nang mambato ng gasera ang mga nagpupuyos na informal settlers laban sa demolition team.

Sa gitna ng tensiyon, sugatan ang isang pulis matapos tamaan ng gasera sa kanang binti. Agad naman siyang dinala sa ospital. Naapula rin ang maliit na sunog na dulot ng mga gasera.

Mahigit isang oras pang nagtagal ang negosasyon bago nakapasok sa loob ng compound ang National Housing Authority (NHA), ang demolition team at ang Quezon City Police District. 

Ayon sa NHA, tatlong taon na nilang pinaaalis ang mga residente dahil bukod sa ilegal ang pagtatayo nila ng bahay sa clubhouse, hindi na rin magamit ang amenities nitong binabayaran pa naman ng lehitimong homeowners.

''Iyong homeowners association, humingi na ng tulong at to the extent na pumunta pa sa office of the President,’’ ani NHA Project Manager Engr. Antonio del Rosario.

Buwelta naman ng mga nakatira sa compound, ilegal man ang ginawa nilang pagtatayo ng bahay, hindi pa rin makataong paalisin na lang daw sila nang basta-basta.

Hapon na nang tuluyang humupa ang tensiyon sa lugar. Wala na ring nagawa ang mga residente kundi panooring magiba ang kanilang mga bahay. 

Kokordonan ng NHA at pulisya ang clubhouse para matiyak na hindi na babalik doon ang informal settlers.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.