Ambulansiya ng barangay, ginamit sa transaksiyon ng droga

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 06:37 PM | Updated as of Jun 11 2017 11:24 AM

Napag-alaman ng pulisya na ginagamit ang ambulansiya ng isang barangay sa pagbabagsak ng droga sa isang lugawan sa Bulacan.

Tatlo ang arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation ng Doña Remedios Trinidad Bulacan PNP (Philippine National Police). 

Unang naaresto sa buy-bust operation ang may-ari ng isang lugawan na si Mark Anthony de Guzman alyas 'Diday'.

Napag-alaman ng mga pulis na ginagamit ang ambulansiya ng barangay sa pagbabagsak ng droga sa lugawan kaya muli silang nagsagawa ng operasyon at nahuli ang dalawa pang lalaki.

Kabilang sa nahuli sina Privado Salonga Jr. na driver ng Barangay Minuyan sa Norzagaray, Bulacan, at Ron Agustin.

Narekober din sa kanila ang mga sachet ng shabu at marked money.

Ayon kay Sr./Insp. Roldan Manulit, Chief of Police ng Doña Remedios Trinidad Bulacan PNP, sina Salonga at Agustin ang supplier ng droga sa lugawan ni De Guzman.

Todo-tanggi naman ang mga nahuling suspek. 

Nakikipag-ugnayan na ang Bulacan PNP sa mga opisyal ng Barangay Minuyan.

"Iimbitahan natin ang kapitan niyan para magpaliwanag sila sa nangyaring ito kung ano nalalaman nila," ayon kay Senior Supt. Romeo Caramat.

Dismayado naman ang mga kawani ng Barangay Minuyan sa nangyari. 

Paliwanag ni Efren Ignacio, Brgy. Administrator ng Minuyan, walang alam ang barangay sa ilegal na gawain ni Salonga at hindi rin nila ito kukunsintihin.

"Nag-dispatch po iyan tapos hindi na bumaik. Wala pong alam ang barangay sa ginawa niyang iyan. Hindi natin kinukunsinti po iyan," sabi ni Ignacio.

Inaalam na ng Bulacan PNP kung sino ang supplier ng droga ng mga nahuli.

Nagbabala rin sila sa mga kawani ng barangay na sinupin ang mga gamit para maiwasan ang ganitong mga insidente. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.