4 pulis, ligtas sa ambush sa Eastern Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 02:43 PM

GIPORLOS – Apat na pulis ang nakaligtas sa pananambang ng hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa Eastern Samar nitong Huwebes ng umaga.

Sakay ng kanilang patrol car sina SPO4 Teodoro Tan, SPO1 Raul Graza, PO1 Alexander Sabellano at PO1 Pocholo Abrogar nang ma-ambush at ma-landmine sa Sitio Salvacion, Barangay Biga sa Giporlos alas-5:50 ng umaga.

Pawang tauhan ng Giporlos Municipal Police Station ang mga pulis na patungo umano sa Eastern Samar Police Provincial Office para dumalo sa seminar ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nagawa namang makaganti ng mga pulis. Tumagal ng mga 20 minutos ang enkwentro.

Nakuha naman mula sa lugar ang basyo ng M16 rifle, M203, AK47, at wires na ginamit sa pananambang.

Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang pinagsamang pwersa ng pulis at militar laban sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.