3 lalaki, tiklo sa droga sa Quezon

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 04:00 AM

Tatlong lalaki ang arestado sa magkakahiwalay na buy-bust operations sa Tiaong, Quezon nitong Martes.

Arestado sina Nestor Manalo, 44, at Jaime Buenafe Jr., 38, sa paggamit ng iligal na droga. Mariin nilang pinabulaanan ang akusasyong nagtutulak sila nito.

Lumabas sa imbestigasyon na "newly identified drug personality" ang dalawang suspek.

Nahuli naman si Anthony Lumba, 23, sa isang hiwalay na operasyon bandang 10p.m.

Todo tanggi si Lumba sa mga akusasyon sa kanya.

Ayon sa pulisya, isa si Lumba sa mga sumuko noong nakaraang taon sa "Oplan Tokhang" ng pulisya.

Nakumpiska sa kabuuan ang limang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P1,000 mula sa dalawang operasyon.

Kasalukuyang nasa custodial facility ng Tiaong Municipal Police Station ang tatlong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.