3 bahay tinupok ng apoy sa Koronadal

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 09:32 PM

Nasunog ang 3 bahay sa Koronadal City nitong Miyerkules.

KORONADAL CITY- Naabo ang tatlong bahay sa Purok Kaunlaran, Barangay General Paulino Santos dito nitong Miyerkoles ng hapon.

Tinupok ng apoy pati ang mga gamit kaya walang naisalba mula sa sunog ang mga pamilya Rigor, Aglibot at Muega.

Ang matandang si Laurita Rigor naman ang nag-iisang naitalang sugatan sa sunog matapos syang makaapak ng bubog.

Muntik pa raw siyang matusta dahil hirap siyang makatayo.

“Biglang lumaki ang apoy. Tapos, lumipad pa sa itaas, nasunog na. Mabilis lang ang pagkalat. Sigaw na ako ng sigaw. May tumulong man,” aniya.

Naligtas siya ng hindi nakilalang tricycle driver na nagbuhat sa kaniya palabas ng nasusunog nilang bahay. Hindi man lang napasalamatan ng pamilya ang bayani nila.

Pansamantalang nakikitira ngayon sa katabi nilang kapilya ang mga nasunugang pamilya.

Ayon sa anak niyang si Ester Rigor, nasunog ang kanilang mga gamit sa kusina, ang telebisyon, refrigerator, at mga paninda sa maliit nilang tindahan.

“Ang hirap, first time nangyari sa amin dito. Nakakanerbyos, sa nerbyos mo, wala ka nang magawa. Takbo ka na lang, iwanan na 'yung bahay,” ani Ester.

Ayon sa chief investigator ng Bureau of Fire Protection Office ng Koronadal City na si SFO1 Cesar Salarza, gawa sa light materials ang mga bahay kaya mabilis ang pagkalat ng apoy.

Tumagal ng 34 minuto ang sunog.

Tinitingnan umano nila sa imbestigasyon na posibleng nagmula sa isang napabayaang kalan o sa overloading ng saksakan ang sanhi ng sunog.

Umabot sa P120,000 ang danyos ng mga nasunog na imprastraktura.

Namigay naman agad ng relief packs ang Department of Social Welfare and Development Office ng Region 12 sa mga apektadong pamilya.

Nakikipag-ugnayan naman ang pamilya sa barangay council para matulungan sa muling pagpapatayo ng kanilang bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.