1 minutong katahimikan, inilaan para sa kapayapaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 02:46 PM

Dasal para sa kapayapaan ang ipinananawagan ng karamihan bilang tugon sa 'A Minute for Peace' na hiling ng Santo Papa. 

Sabay sabay na pinakalembang ang mga kampana ng mga simbahang Katolika sa buong mundo, hapon ng Huwebes para sa kapayapaan. 

Sa Maynila, isang minutong pinatugtog ang mga kampana sa
Manila Cathedral at St. Augustine Church sa Intramuros.

Ito ay kasunod ng panawagan ni Pope Francis sa iba't ibang relihiyon na mag-alay ng isang minutong panalangin para sa kapayapaan. 

Kasabay na rin ito ng ikatlong anibersaryo ng makasaysayang pakikipagpulong ng Santo Papa sa dating presidente ng Israel na si Shimon Peres at sa Palestinian president na si Mahmoud Abbas.

Noon pa man ay may panawagan na ang Catholic Bishops Conference of the Philippines para sa kapayapaan laban sa kaguluhang sanhi ng mga terorista at iba pang masasamang elemento. 

"Ang mahalaga, ang ilapit ang ating puso sa Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig," ayon kay Bishop Honesto Ongtioco ng Diocese of Cubao. 

Panawagan din ni Bishop Ongtioco sa publiko, patuloy na manalangin sa kapayapaan at pagkakaisa ng lahat, lalo na sa siyudad ng Marawi na hindi pa rin natatapos ang bakbakan ng mga sundalo at grupong Maute. 

"Ang mahalaga, 'yung nagmamahal tayo sa Diyos para sa pagkakaisa ng lahat, gaya sa Marawi na magulo ngayon. Kung tayo, nagkakaunawaan, anuman ang relihiyon , makakamit natin ang kapayapaan," aniya.

Naniniwala ang Simbahan at maraming mga mananampalataya na higit kailanman, ngayon ang panahon na kailangan ang regular na panalangin para sa kapayapaan ng lahat.

-- Ulat nina Abner Mercado at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.