Larawan mula sa PNP-CIDG
Nasamsam ng mga awtoridad ang milyun-milyong pisong halaga ng mga pekeng sikat na brand ng tsinelas sa magkakahiwalay na operasyon sa Bulacan.
Sa ikinasang operasyon noong Lunes sa King Sport Property Compound sa Barangay Lambakin, Marilao, naaresto ang 3 Chinese na naaktuhang nagbebenta umano ng mga pekeng brand ng tsinelas.
Nakumpiska sa kanila ang 1,311 na sako na may lamang 62,000 na pares ng mga pekeng brand ng tsinelas na nagkakahalaga ng P180 milyon.
Sa isa pang operasyon nitong Martes, 2 Chinese din ang naaresto sa isang warehouse sa Duhat Road, Barangay Duhat, Bucaue at nakumpiska ang 40 sako ng pekeng brand ng tsinelas at iba pang ebidensya na tinatayang may kabuuang halaga ng P1,012,500.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police, nag-ugat ang 2 nasabing operasyon sa kanilang naunang operasyon noong Mayo, kaya nagsagawa sila ng surveillance at nag-test buy operation para mapatunayan na sila nga ay nagbebenta ng mga pekeng brand ng tsinelas.
Nakipag-ugnayan din sa kanila ang Intellectual Property Association of the Philippines.
Paalala ng CIDG sa publiko huwag tangkilikin ang mga pekeng produkto.
"It's very clear this is economic sabotage so it will affect the economy of the Philippines," ani PMaj. Mae Ann Cunanan, spokesperson ng CIDG.
Dinala na ang mga naarestong Chinese sa CIDG Regional Filed Unit 3 office at sasampahan ng reklamong may paglabag sa Sec. 155, 168 at 169, R.A. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.
Hihintayin umano ng mga awtoridad ang utos ng korte kung ano ang gagawin sa mga nakumpiskang pekeng tsinelas.
Pero sa ngayon gagamitin nila itong ebidensya laban sa mga naarestong Chinese.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.