Hindi nagpakita ngayong Martes sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang driver at may-ari ng SUV na nakabundol ng isang security guard sa Mandaluyong.
Ito'y matapos maglabas ng show cause order nitong Lunes ang LTO para magpakita ang may-ari at driver ng sasakyang dawit sa insidente noong Linggo.
Inatasan din ang driver na magsumite ng paliwanag kung bakit hindi dapat suspendehin ang kaniyang lisensiya, at masampahan ng administrative charge para sa reckless driving.
Wala ring dumating na abogado o kinatawan ang driver kaya nagpasya ang mga opisyal ng LTO na maglabas ng panibagong show cause order laban sa kaniya.
"I will issue another final show cause order sa nakasagasa sa security. We are directing the respondent to appear on the 10th of June, Friday, ala-1 [ng hapon] ulit," sabi ni Renante Melitante, officer-in-charge ng intelligence and investigation division ng LTO.
Sakaling hindi pa rin magpakita ang driver, posibleng makumpiska ang kaniyang lisensiya, ani Melitante.
"At the very highest degree, 'yong gravity ng offense is revocation of his license," aniya.
Samantala, ayon sa security agency ay nasa intensive care unit pa rin ang nabundol na guwardiya.
Nakakausap naman na umano ito pero hirap pa ring magsalita.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.