Suspendido muna ang deployment ng mga health care worker na nakakuha ng trabaho sa ibang bansa matapos maabot ang 5,000 cap o ceiling na ipinataw ng pamahalaan.
Alinsunod ito sa Advisory No. 71 na inilabas kamakailan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ipinatupad ang cap para hindi hindi maubusan ng medical frontliners ang Pilipinas.
Exempted naman sa deployment suspension ang mga balik-manggagawa at mga na-hire sa government-to-government hiring programs ng POEA sa Japan, Germany, Saudi Arabia at United Arab Emirates.
Inihayag din ni Labor Secretary Silvestre Bello na aprubado na ang hiling ng United Kingdom na ma-exempt sa deployment cap ang mga Filipino nurse na nakatakdang magtrabaho sa naturang bansa pero wala pang natatanggap na dokumento ukol rito ang POEA.
"Kinakailangan din natin na magkaroon ng resolution din ang IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases) 'no para i-grant ho 'yong exemption na 'yon so antayin lang ho natin," ani Bello.
Para kay Bello, puwede nang ipatupad ang exemption ng UK.
Ayon kay Bello, humihingi rin ng exemption ang Germany, na gustong kumuha ng 15,000 Pinoy nurses.
Kaya pinag-aaralan umano ang pagtaas sa deployment cap.
"Kapag nakita natin na mayroon tayong sapat na number of nurses, ang health care workers, it's possible we can recommend... luluwagan 'yong deployment cap, gagawin nating 10,000," ani Bello.
Iginiit naman ng Alliance of Healthcare Workers na pamahalaan din ang may kasalanan kung bakit umaalis ang mga nurse at iba pang health workers, na matagal na anilang napabayaan.
Suportado naman ng Department of Labor and Employment ang lahat ng panukalang batas na inihain para iangat ang sahod at benepisyo ng mga health care workers, lalo na ang mga nurse.
Hinikayat din ng ahensiya ang mga nurse na magreklamo sa kanila kung mali ang pagtrato sa kanila ng mga employer.
-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, nurse, health care worker, deployment cap, Department of Labor and Employment, United Kingdom, OFW, Germany, Alliance of Healthcare Workers, TV Patrol, Zen Hernandez