Pagkain, hygiene kits, hiling ng mga nasunugan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2021 07:51 PM

Watch more in iWantTFC

Nang masunog ang bahay sa Barangay Dagupan, Tondo, Maynila noong Abril 27, isa ang 3 taong gulang na anak ni Oliver Quiliti sa mga nasawi.

"Noong lulusot na kami sa exit, 'yong anak ko bumitaw sa Mama niya... 'yon ang nahulog at namatay," kuwento ni Quiliti.

Sa ngayon, pansamantalang nakikitira sa kamag-anak ang pamilya ni Quiliti. 

Dati siyang nagtitinda ng street food kasama ang misis pero natigil ito dahil kailangan nilang asikasuhin ang muling pagbuo ng kanilang bahay.

Pagtitinda naman ng lutong ulam ang hanapbuhay ng single mom na si Marites Kempis, pero dahil sa sunog ay natigil din ito.

Kasalukuyang nakasilong sa covered court ng barangay si Kempis at tinutulungan muna siya ng kapatid na suportahan ang kaniyang anak at apo.

"'Yong bahay namin, halos walang matira," ani Kempis.

Sina Quiliti, Kempis at 49 pang pamilyang nasunugan na nasa covered court ngayon ang dinalhan ng ABS-CBN ng lutong pagkain.

"Maraming marami po salamat sa mga tumulong po sa aming lahat," ani Kempis.

Nanawagan ang mga nasunugan ng dagdag na pagkain at hygiene kits para maiwasang magkaroon ng kaso ng COVID-19 sa evacuation center.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.