P13.6-M halaga ng 'shabu' nasabat sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2021 10:48 PM

Larawan mula sa Bunawan Police Station

DAVAO CITY - Nakumpiska ng mga miyembro ng Davao City Police Office Special Operation Group, Bunawan Police Station, at Panabo Police Station ang P13.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation alas-7 ng gabi Lunes sa Barangay Lasang sa Davao City.

Arestado ang suspek na isang 24 anyos na lalaki na nakatira sa Purok 6 San Francisco Pida, Panabo Davao del Norte.

Ayon kay Police Major Noel Villahermosa, hepe ng Bunawan Police Station, nabilihan ng kanilang poseur buyer ang suspek ng isang sachet na nagkakahalaga ng P600,000.

Bukod sa buy-bust item, nakumpiska rin ng mga awtoridad ang pito pang pakete na nasa 850 gramo ang timbang.

Dagdag ni Villahermosa, mismong ang suspek ang bumabyahe sa Marawi City upang kunin ang mga ilegal na droga na ibenebenta niya naman sa Davao City at Davao del Norte.

"Ang source niya from Davao del Norte. Ang suspect isu-supply niya sana dito sa Davao City kung saan niya hinahati-hati," aniya.

Sasampahan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

- ulat nina Cheche Diabordo at Chrislen Bulosan

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.