PatrolPH

'Sa awa ng Diyos': Ilang trabahador masayang mabakunahan vs COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2021 06:46 PM | Updated as of Jun 07 2021 08:42 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nagsimula nang magbakuna ng essential workers at iba pang economic frontliners ang mga lungsod sa Metro Manila nitong Lunes.

Bakas ang excitement sa tricycle driver na si Romy Sevil habang nasa pila para mabakunahan sa Mandaluyong City.

Kasama siya sa mga nabakunahan sa ilalim ng A4 priority group.

"Sa awa ng Diyos... Sumunod lang po tayo," sabi niya. 

Ang kasambahay namang si Adalfa Bacaoco, naengganyong magpabakuna nang makitang nagpabakuna na rin ang kanyang employer. 

"Naghahalo-halo kami du'n sa bahay, lumalabas din ako, namamalengke. Hindi ko naman alam sino iyong may sakit na makasalubong ko, sino iyong may COVID-19," paliwanag ni Bacaoco.

Ayon kay Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, nasa 20,000 katao na mula sa A4 priority group ang nagparehistro sa lungsod. 

"Para sa akin, malaking impact ito. At matagal na nilang hinintay. Kumbaga ang tagal nilang naghihintay para mabuksan itong A4 na ito," sabi ni Abalos. 

Nabakunahan na rin ang ilang mga nagtatrabaho sa Navotas fish port, kasama si Tomas Lopega, na maintenance personnel sa isang pabrika ng sardinas sa Navotas City. 

"Napapasalamat po ako na kahit saan ako pupunta, di na ko basta-basta dapuan ng COVID kasi meron na kong panlaban kasi nabakunahan na ko ngayon," sabi ni Lopega.

Nasa 400 tao kada araw ang target bakunahan ng Navotas City sa mobile vaccination site nila sa fish port. 

Sa isang mall naman sa Parañaque City, sinimulan na rin ang pagbabakuna sa economic frontliners. 

Kasama rito ang mga manggagawa sa essential sectors at uniformed personnel, tulad ng mga nagtatrabaho sa mga palengke at grocery, transport sector, financial institutions, religious leaders, security personnel, mga mamamahayag, mga empleyado ng utility services at telecoms, at mga OFW. 

Paglilinaw naman ng mga LGU, tuloy-tuloy pa rin naman ang vaccination sa medical frontliners, senior citizens at may comorbidities kahit mas pinalawak na ang pagbabakuna sa ibang kategorya.

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.