PatrolPH

Mga peke, duplicate na Facebook account naglabasan

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2020 09:26 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Naiulat ngayong Linggo ang mga pagsulpot ng mga peke at duplicate na Facebook account ng ilang estudyante, mamamahayag at maging mga pribadong indibiduwal kasunod ng mga protesta laban sa anti-terror bill.

Kabilang sa mga paaralan kung saan may mga estudyante, faculty member at alumni na nagreklamo ng mga hinihinalang pekeng account ang University of the Philippines (UP), Polytechnic University of the Philippines, De La Salle University, at University of Santo Tomas, ayon sa mga awtoridad at student publication.

Unang naiulat ang mga pekeng account mula sa UP Cebu, kung saan may ilang protester ang naaresto noong Biyernes dahil sa pagprotesta laban sa anti-terror bill, ayon sa UP Office of the Student Regent.

Tiniyak ng UP na nakikipag-ugnayan na sila sa National Privacy Commission (NPC) para tulungan ang mga nabiktima ng fake at dummy accounts.

Nagpaala rin ang grupong Cybersecurity Philippines na kapag may isyu sa pekeng accounts, agad itong i-report sa NPC.

Inihayag naman ng NPC na mino-monitor na nito ang nagsulputang pekeng accounts at ipinaabot na sa pamunuan ng Facebook.

Maging si Justice Secretary Menardo Guevarra ay nabahala sa mga account.

Ayon sa kalihim, agad niyang aatasan ang cybercrime office ng Department of Justice na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police cybercrime units para imbestigahan ang nangyari.

-- May ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.