PatrolPH

Mga jeepney driver sa Maynila, nangangalakal ng basura at namamalimos na rin

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2020 01:11 PM | Updated as of Jun 07 2020 06:24 PM

Mga jeepney driver sa Maynila, nangangalakal ng basura at namamalimos na rin 1
Namamalimos ang grupo ng mga jeepney drivers sa Avenida Avenue sa Maynila matapos matigil ang kabuhayan mula nang ipatupad ang community quarantine dahil sa COVID-19. ABS-CBN News

MAYNILA – Sa kahabaan ng Avenida Avenue sa lungsod ng Maynila, kumpol-kumpol ang grupo ng mga jeepney driver na namamalimos ngayong Linggo matapos matigil ang kabuhayan mula nang ipatupad ang community quarantine. 

Bagamat ilan sa kanila ang naranasan nang mahuli at makulong dahil paglabag umano sa quarantine measures ang pamamalimos, hindi raw nila magawang maghintay lang sa loob ng bahay habang nagugutom ang pamilya. 

Si Roli Bandoquillo, nakulong ng 3 araw sa presinto at nasampahan ng kaso noong Mayo.

Pagtakapos ng quarantine, doon pa lang didinggin ang kanyang kaso na paglabas umano ng walang quarantine pass. 

“Isang hearing lang naman daw po ‘yun, tapos magmumulta kami ng P1,000. Ngayon pa nga lang, iniisip na namin ‘yun. Wala kaming kalabanlaban talaga," ani Bandoquillo.

Sa grupo ni Bandoquillo, 17 tsuper ang naghahati-hati sa mga natanggap na tulong. 

Ngayong araw, pagsasaluhan nila ang noodles na ibinigay ng isang pribadong indibidwal.

Watch more on iWantTFC

Nakakabili sila ng kanin at iba pang sangkap sa barya-baryang kinikita sa pangangalakal ng basura.

“Wala pa nga kaming natatanggap, Sir. Tatlong buwan na. Yung ayuda na sinasabi nila, hindi namin alam kung saan kukunin," ani Dennis Velasquez, isa ring tsuper.

Sa kabilang kalye, inaalog naman ni Paul Ibesa ang isang plastic galon para manghingi ng limos sa mga dumaraan.

"Kung hindi kami mamamalimos, wala kaming makakain. Kaya maski na papaano, maski patago dahil nga na-experience na namin ang panghuhuli, gumagawa kami ng paraan para makabili ng pangangailangan namin," aniya.

Kung hindi man puwede bumiyahe, naiintindihan naman daw ng mga tsuper. Pero hiling nila na alalayan din sila ng gobyerno lalo ngayong wala ring ibang trabaho na bukas para sa kanila.

“Hindi po kami naghahangad ng marami. Tama lang po na makalikom kami para makaraos sa isang araw at makakain," ani Jay Mariano.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.