Mas murang gamot sa ilang karaniwang sakit mabibili na

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2020 10:00 PM

Watch more in iWantTFC

Labinlimang taon nang may maintenance medicine para sa kanyang altapresyon ang 69 anyos na si Meldy Calacday. Ginagastusan niya umano ito ng nasa P3,000 kada buwan.

"Mabigat... Humihingi lang ako sa suweldo ng anak ko eh, wala naman ako pinagkakakitaan," ani Calacday.

Ang hindi alam ni Calacday ay puwede na siyang bumili ng mas murang gamot para sa hypertension.

Ayon sa grupong Laban Konsyumer, makatutulong sa maraming Pilipino, lalo sa mga senior citizen tulad ni Calacday, ang mas murang gamot.

"Sa mababang presyo na iyan matatapos ng isang pasyente 'yong exact number ng prescription niya. Hindi na niya titipirin dahil abot-kaya na ng kaniyang budget," ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

Pero hindi pa rin umano alam ng marami ang ukol sa mas murang gamot kaya dapat magpaskil na rin ang Department of Health at mga botika ng mga poster ng listahan ng mas murang gamot.

Pebrero nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 104 o "Improving Access to Healthcare through the Regulation of Prices in the Retail of Drugs and Medicine."

Binigyan ng ilang buwang palugit ang pharmaceutical companies at drug stores para maibenta ang mga dati na nilang stock ng gamot.

Base sa executive order, magkakaroon ng maximum retail price at maximum wholesale price ang higit 100 gamot para sa mga sakit na karaniwang iniinda ng mga Pilipino.

Nangangahulugang mas mura ng hanggang 40 porsiyento ang mga gamot.

Ayon sa Food and Drug Administration, noong Hunyo 2 pa puwedeng mahingi sa mga drug store ang listahan ng mas murang gamot.

Kabilang sa mga sakit na may mas murang gamot ngayon ang mga sakit sa puso at baga, diyabetes, at kanser.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.