Mahigit 800 taga-Bicol region, nakauwi sa tulong ng Baclaran Church, mga LGU

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2020 05:37 PM

MAYNILA - Nakabiyahe na Sabado ng gabi pauwi sa kanilang mga probinsya ang higit-kumulang 800 taga-Bicol Region na na-stranded sa Metro Manila matapos ang lockdown.

Natulungan sila ng libreng sakay na hatid ng Baclaran church sa pakipagtulungan sa iba-ibang LGU mula sa Bicol, partikular na kay Sorsogon Gov. Chiz Escudero.

 

Ayon kay Fr. Jose Dela Cruz ng Baclaran Church, ang simbahan umano ang kumupkop at nagpakain sa mga na-stranded na residente habang hinihintay na mahatid sa kanilang mga probinsya.

"Ito naman ay donation din ng deboto ng mahal na ina, at lahat din ng mga tao na nagsu-suport sa lahat ng misyon ng simbahan," paliwanag ni Fr. Dela Cruz.

Karamihan sa mga benepisyaryo ng libreng sakay ay mga naghahanap ng trabaho sa Maynila bago ipatupad ang lockdown noong Marso.

Ito na umano ang pangatlong batch ng mga taga-probinsya na nakauwi sa ilalim ng inisyatibong ito.