Ilang simbahan sa Naga City, ibang bahagi ng CamSur nagdaraos na ulit ng mga misa

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2020 02:06 PM

Nagpapatupad ng health and safety protocol, tulad ng physical distancing, sa Naga Cathedral. ABS-CBN News

Muling nagdaos ng mga misa ngayong Linggo ang ilang simbahan sa Naga City at ibang bahagi ng Camarines Sur matapos ang ilang buwang pagkakatigil dahil sa mga quarantine protocol na ipinatupad laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa labas ng Naga Cathedral, may distansiyang pumila ang mga nagsimba habang papasok ng simbahan nitong umaga ng Linggo.

Bago makapasok, kailangan muna silang kuhanan ng mga body temperature at mag-spray ng alcohol sa mga kamay.

Sa mga upuan, may mga marka kung saan lang puwedeng umupo. Ito ay para masunod umano ang physical distancing.

ANTI-TERROR ACT TINALAKAY SA HOMILIYA

Sa Saint Raphael the Archangel Parish naman sa Pili, nagpahayag sa kaniyang homiliya si Fr. Wilmer Tria ng pagtutol sa ipinapanukalang Anti-Terrorism Act of 2020.

Ayon kay Tria, “unconstitutional” o labag sa konstitusyon ang nasabing panukala.

Marami nang grupo, sektor, at kilalang personalidad ang nagpahayag ng pagtutol sa panukala – na pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay – dahil sa mga probisyon nitong maaari umanong maabuso.

Sinabi rin ng pari na maraming masasamang gawain ang nangyari noong panahon ng lockdown, kabilang ang mga pagpapatahimik sa mga kritiko sa pamamagitan ng pag-aresto at pagpatay.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na puwede na ang religious mass gathering sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine basta nasa 50-percent capacity lamang ang mga dadalo.

-- Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.